Aabot sa 55 katao ang inaresto matapos buwagin ng mga pulis sa Portugal ang mga kampo ng mga aktibistang nagpoprotesta laban sa lumalalang krisis sa pabahay sa Lisbon at Porto nitong Martes ng madaling-araw.
Humigit-kumulang 200 tolda ang itinayo ng mga nagprotesta sa Rossio Square sa Lisbon mula Sabado, habang nasa 10 araw nang okupado ang Dom Joao I Square sa Porto.
Ayon sa pulisya, inaresto ang mga tumangging kusang umalis sa lugar. Dalawa naman ang nagtamo ng minor injuries na agad na naasikaso.
Nagprotesta ang mga aktibista laban sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bahay at upa, at hiniling na bawiin ng pamahalaan ang panukalang magpapadali sa pagpapaalis ng mga nangungupahan at magtatanggal ng rent cap sa mga bagong kontrata.
Samantala, nangako ang mga organizer na ipagpapatuloy ang protesta sa Lisbon sa kabila ng clearing operation ng mga awtoridad.










