Hindi umano mga estudyante at manggagawa ang sangkot sa mga pagsusunog at kaguluhang nagaganap sa ilang rally sa France, kundi mga outsider o mga grupong hindi kabilang sa pangunahing nagpoprotesta.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Lizelle Tungol ng France.
sinabi niya na mapayapa naman umano ang mga rally ng mga estudyante at manggagawa, kabilang ang mga isinagawa nitong mga nakaraang linggo.
Aniya, may mga grupong tinukoy niyang leftist at iniuugnay sa mga outsider o immigrant groups na sumasabay umano sa mga rally. Ilan umano sa mga ito ay nakasuot ng all-black at nakamaskara.
Ayon kay Tungol, sinasamantala umano ng mga naturang grupo ang dami ng tao sa mga protesta upang manggulo, manira ng mga establisyimento at magsagawa ng pagnanakaw.
Kabilang umano sa naaapektuhan ang mga small businesses, luxury stores, pharmacies at restaurants, habang may mga sasakyan ding sinusunog o sinisira.
Sinabi ni Tungol na hindi lamang sa mga rally nakikita ang ganitong insidente dahil sumasabay din umano ang mga ito sa ilang malalaking football celebrations upang magsagawa ng kaguluhan.
Ikinakalungkot naman umano ng ilang French ang pagkasira ng kanilang mga gusali at negosyo. Ayon kay Tungol, may mga nagsasabing tinanggap ng France ang mga immigrants, ngunit nalulungkot sila sa mga insidenteng nagaganap bilang kapalit ng pagtanggap na ito.
Samantala, aniya nananatiling maayos ang sitwasyon sa France sa ngayon, ngunit nakatakda ang panibagong mga rally o tinatawag nilang “manifestasyon” sa Oktubre 24 at Nobyembre 5.











