--Ads--

Inihayag ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara sa pagdinig ng Sandiganbayan Third Division noong Oktubre 20 na tumaas umano mula 20% hanggang 25% ang kickback sa mga infrastructure project nang maging House Speaker si dating House Speaker Martin Romualdez.

Sa testimonya ni Alcantara, nagsimula umano noong 2022 ang 20% kickback rate na iniuugnay kay dating Congressman Zaldy Co, sa panahon ng panunungkulan bilang House Speaker nina Senator Alan Peter Cayetano at dating Congressman Lord Allan Velasco.

Gayunman, tumaas umano sa 25% ang kickback rate sa ilalim ng 2023 National Expenditure Program (NEP), na inihanda noong 2022, nang si Romualdez na ang House Speaker.

Nang tanungin ng hukuman kung bakit biglang tumaas ang umano’y kickback rate ni Co, wala umanong maibigay na paliwanag si Alcantara.

--Ads--

Kapwa akusado sina Romualdez at Co sa kasong plunder. Ayon sa mga alegasyon, isinumite ni Alcantara kay Co ang listahan ng mga proyekto noong 2021 kapalit ng umano’y 20% kickback, na sinabi niyang naihatid niya kay Co noong Pebrero 2022.