Inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Office of the Solicitor General (OSG) na magsampa ng apela sa Korte Suprema kaugnay ng desisyong nagdeklarang labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon ng pambansang badyet para sa 2024, 2025 at 2026.
Sa desisyong inilabas noong Oktubre 20, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang karagdagang P449.5 bilyon sa unprogrammed appropriations ng 2024 budget at ang P17.99 bilyong dagdag sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa 2025 budget.
Ayon kay Communications Undersecretary Claire Castro, hindi sang-ayon ang administrasyon sa ilang bahagi ng desisyon dahil sa mga bagong kundisyong itinakda ng hukuman na aniya’y maaaring magpahirap sa paggamit ng unprogrammed appropriations, o pondong nakalaan para sa mga gastusing nakadepende sa pagkakaroon ng karagdagang kita ng pamahalaan.
Iginiit ni Castro na sinunod ng administrasyong Marcos ang mga patakaran sa paglalaan ng pondo na itinakda ng Kongreso noong 2015.
Binigyang-diin naman ng Korte Suprema na hindi awtomatikong labag sa Konstitusyon ang unprogrammed appropriations, ngunit dapat may malinaw na pamantayan at sapat na pananggalang laban sa hindi kontroladong paggastos. Ayon sa hukuman, maaari lamang itong gamitin kapag lumampas sa kabuuang target ang koleksiyon ng kita ng pamahalaan.
Ipinatupad din ng Korte Suprema ang doctrine of operative fact upang maprotektahan ang mga programang hindi na maaaring bawiin at ang mga benepisyaryong kumilos nang may mabuting hangarin. Gayunman, hindi awtomatikong saklaw ng proteksiyong ito ang mga may-akda at nagpatupad ng mga probisyong idineklarang labag sa Konstitusyon.











