--Ads--

Sinita ng Commission on Audit (COA) ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay ng umano’y dobleng benepisyo at sobrang ayuda sa ilalim ng AICS program noong 2025, na may halagang tinatayang P397.5 milyon.

Batay sa audit findings, nasa 5,000 benepisyaryo ang umano’y nakatanggap ng dobleng halaga, habang humigit-kumulang 400,000 ang na-flag dahil sa benepisyong lampas sa nakatala sa records. Mayroon ding mga nakatanggap ng AICS kahit nabigyan na sa AKAP, gayundin ng paulit-ulit na cash assistance.

Gayunman, iginiit ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian na walang natukoy na “ghost beneficiaries” o pondong ninakaw. Aminado naman siyang may mga pagkakataong hindi lubusang nasusuri ang mga dokumento ng aplikante, kabilang ang ilang pekeng medical certificate.

Kinuwestiyon din ng COA ang P14.41 milyong ayuda sa humigit-kumulang 20,000 pamilyang nagtapos na sa 4Ps. Depensa ng DSWD, hindi nangangahulugang nakaahon na sa kahirapan ang mga ito dahil lamang nakapagtapos na sa programa.

--Ads--

Itinanggi rin ni Gatchalian na ginamit sa politika ang pamamahagi ng AICS noong 2025 midterm elections, at sinabing sinusuri ng mga lisensiyadong social worker ang mga aplikasyon.