Hindi makalalahok sa 75th Miss Universe na gaganapin sa Puerto Rico sa Nobyembre 24 ang mga kandidata mula sa Malaysia, Singapore, Thailand, Vietnam, Indonesia at Laos matapos ideklarang hindi eligible ng Miss Universe Organization (MUO) ang mga naturang bansa.
Nag-ugat ang desisyon sa hindi pagkilala ng MUO sa franchise agreements na ginawa sa pamamagitan ng Miss Universe Eastern Pte. Ltd., na pinamumunuan ni Nawat Itsaragrisil. Iginiit naman ng kumpanya na may karapatan itong magpadala ng mga kandidata mula sa anim na bansa.
Ipinahayag nina Miss Universe Malaysia 2026 Eunice Wong, Miss Universe Singapore 2026 Vion Erico Tan at Miss Universe Thailand 2026 Tharina Botes ang kanilang pagkadismaya sa kawalan ng katiyakan sa kanilang paglahok.
Gayunman, nanatiling positibo ang tatlo at tiniyak na hindi nila susukuan ang kanilang mga pangarap sa kabila ng hindi inaasahang pagbabago sa kanilang paglalakbay sa beauty pageant.











