Target ng Choco Mucho ang solong liderato sa pagharap sa Farm Fresh sa 2026 PVL All-Filipino Conference Siklab leg sa MOA Arena sa Pasay City ngayong araw.
Magtutuos ang Flying Titans at Foxies sa alas-6 ng gabi.
Magkakatabla sa liderato ang Creamline, Nxled at Choco Mucho na may 2-0 kartada, kasunod ang Capital1 Solar Energy (2-1) at Farm Fresh (1-1).
Galing ang Flying Titans sa dalawang sunod na panalo kontra Capital1 at ZUS Coffee, habang kababalik lamang ng Foxies mula sa limang set na pagkatalo sa Nxled.
Inaasahang pangungunahan nina Eya Laure, Sisi Rondina, Kat Tolentino at Maddie Madayag ang Choco Mucho, habang aasahan naman ng Farm Fresh sina Trisha Tubu, Ces Molina at Mylene Paat-Rezanova.
Target din ng Nxled ang solong liderato sa pagharap sa Galeries Tower. Pangungunahan ng Chameleons sina Brooke Van Sickle, Myla Pablo at MJ Phillips, habang inaasahan naman ng Highrisers sina Erika Deloria, Aiza Maizo-Pontillas at Lycha Ebon.











