Naghahanda ang Office of the Solicitor General (OSG) na humiling ng paglilinaw at partial reconsideration sa ilang bahagi ng desisyon ng Supreme Court (SC) na nagdeklara bilang unconstitutional sa mga probisyon ng national budget laws para sa 2024 at 2025 at ilang probisyon kaugnay ng unprogrammed funds.
Ayon sa OSG, iginagalang nito ang desisyon ng Korte Suprema, ngunit nais nitong kuwestiyunin ang ilang bahagi nito, partikular ang mga limitasyong itinakda sa paggamit ng kapangyarihan sa pagbubuo at pagpapatupad ng pambansang badyet.
Binigyang-diin ng ahensya na mahalaga ang mga pananggalang upang matiyak ang transparency, accountability at wastong paggamit ng pondo ng bayan. Gayunman, nais nitong malinawan kung alin sa mga panuntunang ito ang dapat itakda ng Konstitusyon at alin ang saklaw ng kapangyarihan ng Kongreso at ehekutibo.
Nauna nang sinabi ng Malacañang na hindi ito lubos na sumasang-ayon sa ilang bahagi ng ruling at inatasan ang OSG na magsumite ng motion for reconsideration.
Idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang 2024 at 2025 General Appropriations Acts dahil sa mga pondong idinagdag ng Kongreso na lampas sa inirekomenda ng Pangulo sa National Expenditure Program. Kabilang dito ang ₱449.5 bilyong dagdag sa unprogrammed appropriations noong 2024 at ₱17.99 bilyon para sa Special Road Fund ng Department of Public Works and Highways noong 2025.
Idineklara rin ng SC na unconstitutional ang ilang probisyon sa 2026 national budget na nagpapahintulot sa unprogrammed appropriations at nagtakda ng mga kondisyon para sa paggamit ng mga ito.










