--Ads--

Patuloy na nagbibigay ng teknikal na tulong ang City Cooperative Office ng Ilagan City sa mga kooperatiba upang mapabuti ang kanilang pamamahala, dokumentasyon at operasyon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ynnad Domingo, Local Treasury Operation Officer ng tanggapan, sinabi niyang regular nilang binibisita ang mga kooperatiba upang matukoy ang kanilang mga pangangailangan at magabayan ang mga ito sa pag-aayos ng mga dokumento at pagtupad sa mga kinakailangang compliance.

Samantala, nagsilbing inspirasyon sa tanggapan ang pagkilala sa ilang kooperatiba at opisyal mula sa Ilagan City sa katatapos na 65th Isabela Governor’s Cooperative Awards.

Kabilang sa mga pinarangalan ang Jugis Legio Draconis Multipurpose Cooperative at Bliss Waterworks Multipurpose Cooperative na kapwa nagkamit ng ikalawang puwesto sa kani-kanilang kategorya.

--Ads--

Kinilala rin sina Arlene Pacho at Joseph Bolar bilang provincial finalists sa mga kategorya para sa cooperative leaders, habang tumanggap ng Gawad Kaagapay sa Pag-unlad ng Kooperatiba si City Cooperatives Officer Valerie Santiago.

Hinikayat ni Domingo ang publiko na sumali o bumuo ng mga kooperatiba at tiniyak na bukas ang kanilang tanggapan para sa mga nangangailangan ng impormasyon at teknikal na gabay.