--Ads--

Nakaligtas ang isang tricycle driver mula sa Forest Region matapos mahulog sa Alicaocao Overflow Bridge sa Barangay Alicaocao, Cauayan City, at maanod sa malalim na bahagi ng ilog bago nasagip ng isang concerned citizen.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Mauro Flores ng Barangay Alicaocao, sinabi nitong bandang alas-8 ng umaga nang binabaybay ng biktima ang naturang tulay na umano’y may humps nang bigla na lamang itong mawalan ng kontrol sa minamanehong tricycle, dahilan upang mahulog sila sa ilog.

Dahil sa insidente, nauntog ang ulo ng driver na nagresulta sa malaking sugat at pagkabitak sa bahagi ng noo nito. Matapos mahulog sa ilog, naanod ang biktima at ang tricycle sa mas malalim na bahagi nito.

Nang makarating sa kabilang panig ng tulay ang biktima, napansin siya ng isa pang tricycle driver habang humihingi ng saklolo. Agad namang kumilos ang concerned citizen at ginamit ang lubid na dala nito sa kaniyang tricycle upang maabot at mahila palabas ng ilog ang driver.

--Ads--

Nang maiangat sa ligtas na lugar, doon nakita ang matinding pinsala sa ulo ng biktima kaya agad siyang isinugod sa ospital para sa kaukulang lunas.

Ayon pa kay Flores, hindi nila matiyak kung nakainom ng alak ang biktima bago mangyari ang insidente. Gayunman, batay sa impormasyong kanilang nakalap, patungo umano ito sa palengke upang maghatid ng mga gulay nang mangyari ang insidente.