--Ads--

Itinuro ng PDEA ang dating miyembro ng Bangsamoro Parliament na si Edriezan Hadji Nasser Rimbang bilang umano’y utak sa tangkang pagpupuslit ng ₱3.5 bilyong halaga ng shabu mula Laos patungong Pilipinas.

Sa pagdinig ng House Committee on Dangerous Drugs nitong Huwebes, sinabi ni PDEA chief Isagani Nerez na batay sa kanilang imbestigasyon, si Rimbang umano ang nagpondo at nagplano sa operasyon.

Ayon kay Nerez, si Rimbang ang umano’y naglaan ng pondo para sa pag-charter ng pribadong eroplanong gagamitin sa pagdadala ng ilegal na droga.

Hinala rin ng PDEA na may kaugnayan si Rimbang sa isang international drug syndicate dahil nagmula sa ibang bansa ang nasabat na droga. Posible rin umanong may iba pa siyang kasabwat sa operasyon.

--Ads--

Noong Oktubre 1, naharang ng mga awtoridad sa Laos ang tinatayang 521 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng ₱3.5 bilyon. Isasakay sana ang droga sa isang pribadong eroplano patungong Pilipinas.

Kabilang sa mga iniimbestigahan si Police Master Sergeant Aileen Jane Manalo Mendoza, na umano’y tumulong sa pag-aayos ng eroplanong gagamitin sa operasyon.

Kinilala rin ng PDEA si Fahad Dibaroson, na naaresto sa Laos at sinasabing may kaugnayan kay Rimbang sa pamamagitan ng pamilya.

Patuloy ang imbestigasyon at pangangalap ng ebidensiya ng mga awtoridad. Wala pang naitalang pahayag si Rimbang tungkol sa mga alegasyon laban sa kanya sa oras ng ulat.

Samantala, nilinaw ng PDEA na wala pang sapat na ebidensiyang magpapatunay na patungo rin sa Pilipinas ang hiwalay na malaking shipment ng ilegal na droga na nasabat sa Thailand.