--Ads--

Nakapagsumite na ng deployment plan ang Isabela Highway Patrol Team (HPG) sa kanilang National Headquarters at Police Regional Office 2 bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga motorista sa paggunita ng Undas.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Renoli Bagayao, Provincial Officer ng HPG Isabela, sinabi nitong tututukan ng kanilang mga tauhan ang mga pangunahing lansangan o major thoroughfares sa lalawigan upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at mga biyahero.

Kabilang sa mga prayoridad na lugar ng deployment ang Sinsayon National Highway sa Santiago City at isang bus terminal sa Cauayan City, kung saan inaasahang maraming pasahero ang bibiyahe upang dalawin ang kanilang mga yumaong mahal sa buhay o umuwi sa kani-kanilang mga probinsiya.

Gayunman, sinabi ni Bagayao na mas limitado ang kanilang bilang ng mga tauhan na maide-deploy ngayong Undas dahil may ilang riders at mobile crew na ipinadala upang mag-augment sa seguridad at iba pang operasyon kaugnay ng ASEAN Summit 2026.

--Ads--

Sa kabila nito, tiniyak ng opisyal na gagawin nila ang lahat ng kinakailangang hakbang upang mabantayan ang daloy ng trapiko at agad na matugunan ang mga posibleng insidente sa mga pangunahing kalsada.

Patuloy ding ipatutupad ng HPG ang mga batas trapiko at huhulihin ang mga lalabag sa mga umiiral na regulasyon. Gayunman, sinabi ni Bagayao na maaari silang magbigay ng konsiderasyon sa mga paglabag na hindi naman nagdudulot ng panganib o abala sa ibang motorista at commuter, depende sa sitwasyon.

Inaasahan ding magiging bahagi ng kanilang operasyon ang pagbabantay sa mga lugar na dinaraanan ng maraming sasakyan, lalo na sa mga pangunahing lansangan patungo sa mga sementeryo, terminal at iba pang lugar na posibleng dagsain ng publiko.

Tiniyak ni Bagayao na mananatiling mapagmatyag ang kanilang mga tauhan upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente sa mga lansangan sa lalawigan sa kasagsagan ng Undas.

Nagbabala rin siya sa mga posibleng magsamantala sa pagdami ng mga biyahero at hinimok ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa mga lansangan.