Wala pang planong tumakbo sa mas mataas na posisyon sa politika si Reina Mercedes Vice Mayor Harold Respicio, at maging sa lokal na pamahalaan ay wala na rin umano siyang balak na muling kumandidato.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Respicio na nais muna niyang tapusin ang kanyang kasalukuyang termino bilang bise alkalde at tuparin ang mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanya ng mga botante.
Ayon sa kanya, hindi rin siya nag-e-enjoy sa politika dahil sa dami ng mga kasong kinakaharap niya, kabilang ang mga reklamong may kaugnayan sa kanyang mga naging pahayag at aksiyon bilang opisyal ng pamahalaan.
Gayunman, nilinaw ni Respicio na hindi niya isinasara ang posibilidad na tumakbo sa mas mataas na posisyon kung sa hinaharap ay makita niyang nais siyang pagkatiwalaan ng taumbayan.
Aniya, kung magiging maganda ang pagkakataon at makikita niyang malaki ang posibilidad na manalo, bukas siyang pag-isipan ito, kabilang ang posibilidad na tumakbo sa pagka-senador.
Matatandaang pabirong ipinakilala ni Isabela Governor Rodito Albano III si Respicio bilang susunod na senador ng Isabela nang magkasama silang dumalo sa Best Laku Trade Fair sa Alabang, Muntinlupa.
Sa kabila nito, sinabi ni Respicio na sa ngayon ay nakatuon muna siya sa kanyang tungkulin bilang bise alkalde at sa pagsuporta sa mga programang makabubuti sa mamamayan.











