Arestado ang isang 20-anyos na lalaki matapos umanong magnakaw sa isang restaurant at makuhanan ng isang kalibre .38 na baril sa isinagawang hot pursuit operation ng Echague Municipal Police Station sa Barangay San Fabian, Echague, Isabela.
Kinilala ang suspek na si Ben, 20-anyos, walang trabaho at residente ng nasabing barangay. Ang pag-aresto ay kasunod ng ulat ng isang 35-anyos na negosyante at residente ng Barangay Taggapan, Echague, na bandang alas-1:10 ng madaling-araw ng parehong araw ay nadiskubreng pinasok ng hindi nakikilalang indibidwal ang kanilang Sidewalk Restaurant na matatagpuan sa Purok 5, Barangay San Fabian. Ayon sa ulat, may nawawalang bigas at ilang kilo ng karne mula sa kanilang cooler.
Nakatulong sa pagkilala at pagtunton sa suspek ang CCTV footage ng establisimyento. Agad na nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Echague MPS na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nakumpiska mula sa suspek ang isang kalibre .38 na revolver. Nabawi rin ang mga pinaniniwalaang ninakaw na bagay, kabilang ang isang sako ng bigas na may tinatayang limang kilo at isang supot ng karne ng baboy.
Dinala ang suspek at ang mga ebidensiya sa Echague MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon. Nahaharap Ito sa kaukulang kasong may kaugnayan sa pagnanakaw at paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, alinsunod sa resulta ng imbestigasyon at pagsusuri ng mga awtoridad.











