--Ads--

Iminungkahi ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na ilaan sa paghahanda sa Super El Niño at iba pang mahahalagang pangangailangan ng bansa ang posibleng matipid sa pagbabawas sa panukalang budget para sa 2027 ng Senado.

Ayon kay Lacson, maaaring umabot sa P2 bilyon ang ibabawas sa panukalang budget ng Senado, habang hinihikayat din niya ang House of Representatives na huwag nang ituloy ang planong dagdagan ng P5 bilyon ang sarili nitong pondo.

Bilang chairman ng Senate Committee on Accounts, sinabi ni Lacson na magsisilbing halimbawa ng pagtitipid at disiplina sa paggasta ng pamahalaan ang hakbang ng Senado, lalo na matapos ang desisyon ng Korte Suprema na nagdeklarang labag sa Konstitusyon ang ilang probisyon sa mga pambansang budget ng 2024, 2025 at 2026.

Ayon sa senador, maaaring gamitin ang posibleng matipid na P7 bilyon upang punan ang mga pangangailangang hindi agad natutugunan ng gobyerno, kabilang ang paghahanda sa inaasahang matinding epekto ng Super El Niño.

--Ads--

Bukod sa disaster preparedness, kabilang din sa mga prayoridad na maaari umanong mapaglaanan ng pondo ang kalusugan, edukasyon at iba pang serbisyong pampubliko na maaaring maapektuhan ng mga insertion o dagdag na alokasyon sa panukalang budget.

Nauna nang sinabi ni Lacson na babawasan ng Senado ng humigit-kumulang P2 bilyon ang panukalang pondo nito sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP), mula sa halos P7 bilyon tungo sa P5 bilyon.

Samantala, binigyang-diin din ni Lacson na mahalaga ang magiging papel ng Senado sa pagbusisi sa 2027 national budget, lalo pa’t suportado umano ng mga senador si Finance committee Chair Sen. JV Ejercito sa pagsasagawa ng masusing pagsusuri ng panukalang budget.