Walang minomonitor na Low Pressure Area (LPA) ang PAGASA na posibleng mabuo bilang tropical cyclone, batay sa monitoring alas-2 ng hapon ngayong Linggo, Oktubre 25.
Samantala, asahan ang maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa ilang bahagi ng bansa dahil sa umiiral na Intertropical Convergence Zone o ITCZ.
Kabilang sa mga lugar na maaapektuhan ang Visayas, Caraga, Northern Mindanao, Zamboanga Peninsula, Bicol Region, Romblon at Palawan. Posible ang pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa paminsan-minsang malalakas na pag-ulan.
Sa nalalabing bahagi ng Mindanao, Metro Manila at iba pang lugar sa bansa, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan, na may mga panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms dahil sa localized thunderstorms.
Samantala, katamtaman hanggang maalon ang karagatan sa Extreme Northern Luzon, na may taas ng alon na 1.5 hanggang 2.5 metro. Bahagya hanggang katamtaman naman ang alon sa Palawan, nalalabing bahagi ng Luzon at iba pang bahagi ng bansa, na may taas na 0.6 hanggang 2.1 metro.
Pinapayuhan ang publiko na manatiling alerto sa mga abiso ng PAGASA, lalo na sa mga lugar na madaling bahain at makaranas ng pagguho ng lupa.











