--Ads--

Ramdam ng isang pagawaan ng lapida sa Lungsod ng Cauayan ang paghina ng mga order ngayong taon sa kabila ng papalapit na Undas, bunsod ng epekto ng kasalukuyang krisis sa kakayahan ng mga mamimili na gumastos.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Alma Enriquez, may-ari ng pagawaan, sinabi nitong hindi na kasingdami ng nakaraang taon ang kanilang mga customer.

Bilang alternatibo, nag-aalok sila ng laser-engraved na larawan na maaaring ikabit sa mga lumang lapida sa halip na palitan ang buong memorial upang makatipid ang mga pamilya.

Nagkakahalaga ng ₱1,500 ang maliit na larawan na may sukat na 8 by 9 centimeters, habang ₱2,500 naman ang mas malaking insert, hindi pa kasama ang bayad sa lapida at installation.

--Ads--

Samantala, tumaas din ang presyo ng ilang marble lapida. Ang may sukat na 40 by 30 centimeters ay nagkakahalaga na ngayon ng ₱2,000 mula sa dating ₱1,500, habang ang may sukat na 40 by 50 centimeters ay nasa ₱3,000 mula sa dating ₱2,500.

Ayon kay Enriquez, tumatanggap pa rin sila ng rush orders ngayong papalapit ang Undas, bagama’t may karagdagang singil ang mga ito dahil kailangang isingit sa kanilang iskedyul. May ilang customer na rin umanong nagpa-reserve noong mga nakaraang linggo.

Bukod sa Cauayan City at mga karatig-lugar, nakatatanggap din ang kanilang pagawaan ng mga order mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa, kabilang ang Maynila, Cebu, Cavite, Laguna, Quezon Province at Tuguegarao, gayundin mula sa ibang bansa sa pamamagitan ng kanilang online page.

Sa kabila ng paghina ng mga order, patuloy silang nag-aalok ng mas abot-kayang produkto at mga bagong disenyo upang matulungan ang mga pamilyang nais mapaganda ang lapida ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay nang hindi gumagastos nang malaki.