--Ads--

Magpapalitan ng puwesto sina Sec. Vince Dizon at Sec. Giovanni Lopez matapos ianunsyo ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Lino Cayetano ang bagong pagbabago sa gabinete ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes, Oktubre 26.

Ayon kay Cayetano, babalik si Dizon bilang kalihim ng Department of Transportation (DOTr), habang itinalaga naman si Lopez upang pamunuan ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ipinaliwanag ni Cayetano na layunin ng Pangulo na mailagay ang mga opisyal sa mga posisyong higit nilang maiaambag ang kanilang kakayahan upang mapabilis ang mga reporma at mapabuti ang serbisyo ng pamahalaan.

Sa pagbabalik ni Dizon sa DOTr, inaasahan siyang tututok sa pagpapagaan ng araw-araw na biyahe ng mga commuter, pagpapabilis ng serbisyo sa Land Transportation Office (LTO), pagpapaikli ng mga pila, at pagsugpo sa mga fixer.

--Ads--

Samantala, inatasan si Lopez na ipagpatuloy at patatagin ang mga reporma sa DPWH, kabilang ang pagpapalakas ng transparency at pananagutan, gayundin ang pagpapabilis sa pagkumpleto ng mga kalsada, tulay, at iba pang proyektong pang-imprastraktura.

Matatandaang itinalaga si Dizon sa DPWH noong Agosto 2025 matapos ang kaniyang panunungkulan sa DOTr, habang si Lopez naman ang pumalit sa kaniya sa ahensiya ng transportasyon. Ang bagong pagbabago ay nagbabalik sa kanila sa magkaibang ahensiyang kanilang pinamunuan noon.