Inaasahang maisusumite ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Department of Transportation (DOTr) sa Oktubre ang rekomendasyon nito para sa posibleng pagtataas ng pasahe sa pampublikong transportasyon.
Ayon kay LTFRB acting chairman Atty. Greg Pua Jr., kasalukuyang tinatapos ng ahensya ang kanilang rekomendasyon at isinasaalang-alang dito ang inaasahang pagtaas pa ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Aniya, agad na ipatutupad ng LTFRB ang magiging desisyon sa sandaling aprubahan ito ng kalihim.
Nauna nang sinabi ni DOTr Sec. Giovanni Lopez na binigyan niya ng sapat na panahon ang LTFRB upang timbangin ang lahat ng salik bago gumawa ng rekomendasyon. Titingnan din umano ng ahensya ang mga hakbang na ipinatutupad ng pamahalaan upang matulungan ang mga driver ng public utility vehicles (PUV).
Ayon kay Lopez, nais ng administrasyon na hangga’t maaari ay hindi maipasa sa mga commuter ang epekto ng problema sa presyo ng langis.










