Binigyan ng Department of Transportation o DOTr ng isang buwan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB para maglabas ng rekomendasyon sa mga nakabinbing petisyon para sa dagdag-pasahe, kasunod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Transportation Secretary Giovanni Lopez, dapat ipagpatuloy ng LTFRB ang mga pagdinig habang pinag-aaralan ng pamahalaan ang iba pang hakbang para matulungan ang mga transport group sa mataas na presyo ng fuel.
Sinabi ni Lopez na kailangang mabalanse ang pagtulong sa mga transport operator at ang pagprotekta sa mga commuter laban sa mas mataas na pamasahe na maaari ring makaapekto sa inflation.
Kabilang sa pinag-aaralan ng DOTr ang pagpapalawak ng fuel assistance para sa mas maraming PUV operators, kabilang ang mga tricycle, at pagsasama ng iba pang petroleum products bukod sa diesel.
Sa ngayon, nasa P12 kada litro ang fuel discount para sa PUVs, na tinatayang nagbibigay ng hanggang P1,800 na matitipid kada linggo sa mga jeepney driver at operator.
Patuloy din umanong hihingi ng pondo ang DOTr para sa fuel subsidy at iba pang transport programs sa congressional budget hearings matapos hindi maisama sa 2027 National Expenditure Program ang hinihinging P5 bilyon para sa fuel subsidy at P1.7 bilyon para sa rehabilitasyon ng 12 EDSA Busway stations.











