Inamin ni House Lead Prosecutor at Batangas Representative Gerville Luistro na kabilang sa mga dahilan ng pag-atras ng House Prosecution Panel sa tatlong articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte ang tinatawag na “impeachment fatigue” o paghina ng interes ng publiko sa impeachment proceedings.
Ito ay kasunod ng resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagpapakitang 42 porsiyento lamang ng mga Pilipino ang sumusubaybay sa impeachment trial.
Ayon kay Luistro, mas mababa ito kumpara sa 47 porsiyentong sumubaybay sa impeachment trial ni dating Pangulong Joseph Estrada, habang nasa 52 at 54 porsiyento naman ang naitalang interes ng publiko sa paglilitis kay dating Chief Justice Renato Corona.
Sinabi ni Luistro na maaaring nakararamdam na ng pagod at pagkabagot ang publiko sa mga pagdinig, kaya nagpasya ang panel na iatras ang tatlong alegasyon laban kay Duterte.
Kabilang sa mga iniatras na alegasyon ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, panunuhol sa mga opisyal ng Department of Education o DepEd, at pagbabanta sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kaniyang pamilya.
Gayunman, naniniwala si Luistro na mananatiling interesado ang publiko sa natitirang article of impeachment na may kaugnayan sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ni Duterte na hindi idineklara sa kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN.











