Inihayag ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa na nalalagay sa seryosong panganib ang kaniyang buhay dahil sa ₱50-milyong pabuya na inilaan ng pamahalaan para sa kaniyang pagkakahuli, kaya muling humiling sa Korte Suprema na pigilan ang kaniyang pag-aresto at pagsuko sa International Criminal Court (ICC).
Sa petisyong inihain sa Korte Suprema, iginiit ni Dela Rosa na ang pagdedeklara sa kaniya bilang armadong at mapanganib na pugante, kasabay ng pag-aalok ng pabuya, ay maaaring maglagay sa kaniya sa sitwasyong posibleng gumamit ng nakamamatay na puwersa ang mga awtoridad.
Nauna nang ibinasura ng Korte Suprema noong Mayo ang kahilingan ni Dela Rosa para sa temporary restraining order (TRO), ngunit hindi pa nito napagpapasyahan ang kaniyang petisyon na kumukuwestiyon sa legalidad ng arrest warrant ng ICC.
Pinaghahanap si Dela Rosa kaugnay ng mga alegasyon ng crimes against humanity sa kampanya kontra ilegal na droga noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Itinanggi naman niya ang mga paratang laban sa kaniya.
Samantala, sinabi ni Interior Secretary Jonvic Remulla na karapatan ni Dela Rosa bilang mamamayan ang dumulog sa korte, ngunit iginiit niyang hindi rin nabigyan ng gayong pagkakataon ang libo-libong nasawi sa drug war.











