Nagpasya ang Korte Suprema (SC) na hindi maaaring piliting magretiro ang isang empleyado bago ang compulsory retirement age na 65 nang walang malinaw at boluntaryong pahintulot nito.
Sa ilalim ng Labor Code, maaaring piliin ng empleyado ang optional retirement sa edad na 60, habang 65 ang itinakdang compulsory retirement age.
Sa desisyon ng First Division ng SC, kinatigan nito ang naunang pasya na ilegal ang pagkakatanggal sa trabaho ni Rodolfo C. Ondevilla ng Colegio de San Juan de Letran–Laguna matapos ituring ng paaralan na expired na ang kanyang appointment nang mag-60 taong gulang siya.
Binigyang-diin ng SC na kailangang nakabatay sa malaya at boluntaryong kasunduan ng employer at empleyado ang optional retirement. Hindi dapat ito bunga ng panggigipit o pamimilit, dahil nangangahulugan ang pagtanggap dito ng pagtalikod sa karapatan ng empleyado sa seguridad ng panunungkulan.
Iniutos ng SC sa paaralan na bayaran si Ondevilla ng buong backwages mula Agosto 29, 2019 hanggang Agosto 29, 2024, gayundin ang separation pay sa halip na ibalik siya sa trabaho.
Iginawad din sa kanya ang retirement benefits para sa kanyang panunungkulan mula Hunyo 16, 2004 hanggang Agosto 29, 2024, nang umabot siya sa mandatory retirement age na 65.
Isinulat ni Associate Justice Ramon Paul L. Hernando ang 22-pahinang desisyon na inilabas noong Hunyo 2026 at inilathala sa social media noong Oktubre 27, 2026.











