Binigyang-diin ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na dadalhin niya sa Korte Suprema ang Local Government Support Fund (LGSF) kung hindi ito aayusin ng Senado, dahil aniya, wala itong ipinagkaiba sa pork barrel system.
Ayon kay Erice nitong Miyerkules, kuwestiyonable sa konstitusyon ang LGSF na unang isinama sa 2025 national budget at nakatakda ring ipagpatuloy hanggang 2027.
Kabilang sa mga tinututulan niya ang kawalan ng malinaw na detalye sa mga lokal na pamahalaang makatatanggap ng pondo, halaga ng alokasyon at mga proyektong popondohan.
Ipinaliwanag ni Erice na dahil sa malawak na pamantayan at pagkilala sa mga benepisyaryo matapos maipasa ang budget, nagiging katulad ito ng Priority Development Assistance Fund (PDAF), o pork barrel, at nagbibigay ng labis na kapangyarihan sa Pangulo sa pamamahagi ng pondo.
Nasa ₱58.53 bilyon ang inilaan para sa LGSF sa 2027, mas mataas ng ₱660 milyon kumpara sa ₱57.87 bilyon ngayong 2026. Noong 2025, umabot naman sa ₱18.9 bilyon ang pondo.
Noong 2013, idineklara ng Korte Suprema na labag sa Konstitusyon ang PDAF.











