--Ads--

Naitala ng grupo ng mga chef sa Guatemala ang bagong Guinness World Record para sa pinakamalaking fiambre salad sa buong mundo matapos makapaghanda ng salad na tumitimbang ng 4,325.9 pounds o mahigit 1,962 kilo.

Pinangunahan ng food company na Toledo Alimentos ang record attempt sa Guatemala City, kung saan tinatayang 4,000 pounds ng karne at gulay ang pinagsama-sama upang makabuo ng dambuhalang salad.

Kabilang sa mga sangkap nito ang itlog, cold cuts, sausage, mais, bell pepper, lettuce, sibuyas at iba pang uri ng karne at gulay.

Isinagawa ang aktibidad bago ang paggunita sa All Saints’ Day sa Nobyembre 1 at All Souls’ Day sa Nobyembre 2, na kapwa iniuugnay sa tradisyon ng paghahanda ng fiambre salad sa Guatemala.

--Ads--

Matapos timbangin at suriin ng Guinness World Records adjudicator, ipinamahagi ang salad sa mga dumalo sa pagtitipon na tampok din ang live music, tradisyonal na paghahabi at iba pang gawaing pangkultura ng bansa.