Inatasan ng Korte Suprema ang Senado at Kamara na magsumite ng kanilang komento sa petisyong inihain nina Sen. Robin Padilla at Sen. Bong Go na kumukuwestiyon sa ruling ng impeachment court hinggil sa voting threshold na kinakailangan upang mahatulan si Vice President Sara Duterte.
Sa en banc resolution na inilabas noong Oktubre 14, hindi muna inaksyunan ng Korte Suprema ang kahilingan na agad ibasura ang naturang ruling. Sa halip, binigyan nito ng hanggang limang araw ang Senate impeachment court at House of Representatives upang magsumite ng komento sa pangunahing petisyon, gayundin sa kahilingan para sa temporary restraining order (TRO), status quo ante order, o writ of preliminary injunction.
Nag-ugat ang petisyon sa desisyon ng impeachment court noong Setyembre 23, 2026 na tanging mga senador na present at aktibong kalahok sa paglilitis lamang ang bibilangin sa pagtukoy ng kinakailangang boto para sa hatol.
Kabilang sa mga respondents sa petisyon ang Senate impeachment court sa pamamagitan nina Senate President Sherwin Gatchalian at presiding officer Sen. Francis “Chiz” Escudero, gayundin ang Kamara sa pamamagitan nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at ng prosecution panel na pinamumunuan ni Batangas Rep. Jinky Luistro.
Dahil komento pa lamang ang hinihingi ng SC at hindi pa nito binibigyan ng due course ang petisyon, wala pang desisyon kung pormal na didinggin ang kaso o kung maglalabas ito ng anumang pansamantalang kautusan.
Habang nakabinbin ang usapin, nananatiling umiiral ang ruling noong Setyembre 23 na nagsasaad na ang mga senador lamang na legal at aktuwal na makalalahok sa paghatol ang bibilangin sa voting threshold.
Ayon sa petisyon, maaaring maapektuhan ng naturang ruling ang kabuuang bilang ng mga senador na boboto sa impeachment case, kabilang ang mga hindi makadadalo sa paghatol dahil sa iba’t ibang dahilan.










