Inakusahan ng partido ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu ang mga partidong Arab ng pandaraya at posibleng pakikipagsabwatan sa dayuhang puwersa upang maimpluwensiyahan ang resulta ng halalan, sa kabila ng kawalan ng ebidensiya na magpapatunay sa naturang alegasyon.
Kasunod ito ng paglabas ng pinal na resulta ng halalan kung saan 53 puwesto lamang ang nakuha ng partido ni Netanyahu sa 120-miyembrong parliament ng Israel, malayo sa 61 puwestong kailangan upang makontrol ang Knesset.
Samantala, nakakuha naman ng 48 puwesto ang pangunahing oposisyon habang 19 na puwesto ang napunta sa mga partidong pinamumunuan ng mga Arab.
Dahil sa mga alegasyon ng dayuhang pakikialam, hiniling ng election committee sa Shin Bet security agency ng Israel na magsagawa ng imbestigasyon. Gayunman, nilinaw ng komisyon na wala pang napapatunayang sistematikong paglabag sa integridad ng halalan.
Tinawag naman ng oposisyon na pagtatangkang kuwestiyunin ang resulta ng halalan ang mga pahayag ng kampo ni Netanyahu.
Posible ring makabuo ng mayoryang pamahalaan ang oposisyon kung makikipag-alyansa ito sa mga partidong Arab, na maaaring magbigay sa kanila ng kinakailangang 61 puwesto sa Knesset.











