Itinuturing ng ilang miyembro ng prosecution panel sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte na premature o maaga pa ang petisyong inihain sa Supreme Court na kumukuwestiyon sa naging desisyon ng Senate Impeachment Court kaugnay ng voting threshold sa paghatol sa Bise Presidente.
Ayon kay Lead House Prosecutor Gerville Luistro, wala pang aktuwal na pinsala o injury na maaaring gamiting batayan sa paghahain ng petisyon dahil hindi pa naman bumoboto ang mga senador-hukom kung mapapawalang-sala o mapaparusahan si Duterte.
Sinabi ni Luistro na maaari nilang isama ang naturang argumento sa magiging komento ng Kamara sa petisyong inihain nina Senator-Judges Robin Padilla at Bong Go sa Korte Suprema, bagama’t hindi pa ito napag-uusapan ng prosecution panel.
Iginiit din ni House Prosecution Counsel Atty. Lorna Kapunan na maaga pa upang kuwestiyunin ang two-thirds voting threshold dahil maaari pang magbago ang bilang ng mga senador na dadalo sa mismong araw ng botohan.
Dagdag naman ni House Prosecution Counsel at Spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., nasa Korte Suprema ang pagpapasya kung maaari nang dinggin ang usapin bilang isang justiciable issue o legal na usaping maaari nang resolbahin ng korte.
Paliwanag pa ng mga prosecutor, mahirap umanong patunayang nagkaroon ng grave abuse of discretion ang Impeachment Court sa naging desisyon nito dahil dumaan muna ito sa masusing pagtalakay, pagdinig sa panig ng prosecution at defense, at paghingi ng opinyon mula sa apat na dating miyembro ng Korte Suprema na nagsilbing amici curiae.
Binigyang-diin din ni Luistro na ang usapin sa voting threshold ay saklaw ng political question doctrine at eksklusibong kapangyarihan ng Senado bilang Impeachment Court.
Gayunman, sinabi ng prosecution panel na igagalang nila ang proseso sa Korte Suprema at magsusumite ng kaukulang komento sa petisyon.
Samantala, sinabi nina Luistro at Tolosa na bibigyan nila ng benefit of the doubt ang mga senador-hukom na naghain ng petisyon at umaasa silang mananatili ang mga ito sa kanilang obligasyong maging politically neutral sa pagdinig sa impeachment case.










