Umabot na sa panibagong record-high na P19.66 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas sa pagtatapos ng Setyembre 2026, batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Bureau of the Treasury.
Mas mataas ito ng 0.27% kumpara sa P19.61 trilyong naitalang utang noong katapusan ng Agosto 2026.
Batay sa datos, tumaas ng 12.6% ang utang ng bansa kumpara sa P17.46 trilyon na naitala sa kaparehong panahon noong 2025.
Sa kabuuang utang, 67.4% o P13.25 trilyon ay nagmula sa domestic borrowings o pangungutang sa loob ng bansa, habang ang natitirang 32.6% o P6.41 trilyon ay mula sa foreign creditors.
Ayon sa Treasury, kabilang sa mga dahilan ng pagtaas ng domestic debt ang net issuance ng government securities na nagkakahalaga ng P7.66 bilyon, gayundin ang paghina ng piso kontra dolyar na nagdagdag ng P1.12 bilyon sa halaga ng dollar-denominated bonds.
Samantala, lumaki rin ng 0.7% ang external debt dahil sa pagtaas ng halaga ng mga utang na nakadolyar sa piso, kasunod ng paghina ng lokal na salapi, at karagdagang pangungutang sa ibang bansa.
Katumbas na ng 99.5% ng inaasahang P19.77-trilyong utang ng pamahalaan sa pagtatapos ng 2026 ang kasalukuyang debt stock.











