--Ads--

Itinanggi ng kampo ni dating House Speaker Lord Allan Velasco ang mga alegasyong nag-uugnay sa kanya at kay Vice President Sara Duterte sa umano’y ilegal na aktibidad, kasabay ng pagkuwestiyon sa kredibilidad ng indibidwal na kinilalang “Alias Chris.”

Sa pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Atty. Rowell Ilagan, tagapagsalita ni Velasco, na walang sapat na factual basis ang mga akusasyon at tila layunin lamang na sirain ang reputasyon ng dating House Speaker at ng Bise Presidente.

Ito na umano ang ikalawang pagkakataong may lumitaw na sinasabing testigo na nag-uugnay kay Velasco sa kahalintulad na mga alegasyon.

Nagpakita sa National Bureau of Investigation (NBI) si Alias Chris nitong Oktubre 29 at nagpakilalang dating driver ni Velasco. Inangkin nitong dalawang beses siyang naghatid ng mga maleta sa Davao City noong 2021 at 2022 na umano’y may kaugnayan kay Duterte.

--Ads--

Gayunman, inamin nitong hindi niya personal na nasaksihan ang pagtanggap ng Bise Presidente sa mga naturang maleta.

Nauna rito, naglabas din ng katulad na alegasyon ang dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr. na umano’y naghatid si Velasco ng pera sa mga miyembro ng pamilya Duterte.

Hinimok naman ni Ilagan ang publiko at media na maging maingat sa pagtanggap ng mga akusasyon dahil hindi nangangahulugang nagiging totoo ang mga ito dahil lamang sa paulit-ulit na paglalabas ng mga pahayag.

Patuloy din umanong sinusuri ng kampo ni Velasco ang mga alegasyon at ang mga pangyayaring nakapalibot sa pagpapakalat ng mga ito upang matukoy ang posibleng legal na hakbang.