--Ads--

Binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang puntod ng kanyang yumaong ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City bilang paggunita sa Undas ngayong Nobyembre 1.

Kasama ng Pangulo sa pagbisita ang kanyang ina na si dating First Lady Imelda Marcos at kapatid na si Irene Marcos.

Sa kanyang social media post, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pag-alala sa mga yumaong mahal sa buhay at pagpapahalaga sa mga naiwang pamilya.

Bukod dito, nag-alay din ang Pangulo ng mga bulaklak sa puntod ng mga yumaong miyembro ng pamilya Aquino, kabilang sina dating Pangulong Corazon Aquino at Benigno “Noynoy” Aquino III, gayundin si dating Senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. sa Manila Memorial Park sa Parañaque City.

--Ads--

Iniulat ni Super Radyo dzBB reporter Mao dela Cruz na mayroon ding mga tagasuporta ng pamilya Aquino na nagtungo sa kanilang himlayan upang magbigay-pugay.

Matatandaang naging magkaribal sa politika ang pamilya Marcos at Aquino, subalit sinabi noon ni Pangulong Marcos na ang kanilang hidwaan ay hanggang politika lamang.