Itinutulak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalakas ng cybersecurity measures upang matiyak ang kaligtasan ng mga digital system at online services sa gitna ng patuloy na pagtaas ng mga banta sa internet na maaaring makaapekto sa mga mamamayan at negosyo.
Sa isinagawang pulong kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC) Digital Infrastructure Sector Group, binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng mas mahigpit na proteksiyon sa digital platforms habang dumarami ang mga Pilipinong gumagamit ng internet para sa pagbabangko, komersiyo, edukasyon at mga transaksiyon sa pamahalaan.
Ayon kay Marcos, nagiging mas bulnerable sa cyber threats ang mga consumer at negosyo dahil sa mabilis na pagdami ng online transactions, na maaari ring magpahina sa tiwala ng publiko sa mga digital services.
Layunin ng administrasyon na mahikayat ang mas maraming Pilipino na gumamit ng online platforms nang ligtas, partikular sa pagbabayad ng bills at pagkuha ng mahahalagang serbisyo. Kabilang dito ang mga micro, small and medium enterprises o MSMEs na umaasa sa electronic payments at online marketplaces.
Samantala, personal na sinusubaybayan ng Pangulo ang implementasyon ng Bayanihan Sim Project upang matukoy ang progreso sa pagpapalawak ng internet connectivity at matiyak na mas maraming Pilipino ang makakagamit ng mahahalagang online services.











