--Ads--

Isinusulong ng Department of Agriculture o DA Region 2 ang mas maagang pagtukoy sa pangangailangan ng mga magsasaka at mangingisda upang maisama ang mga ito sa panukalang badyet para sa Fiscal Year 2028.

Ito ay kasunod ng Joint Planning Exercise na isinagawa sa Cauayan City, kasama ang mga kinatawan ng DA Regional Management Committee 02, mga lokal na pamahalaan at iba pang katuwang na sektor.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Project Evaluation Officer V Bernadette Galoso ng DA Region 02, sinabi niyang taunang isinasagawa ang aktibidad upang makabuo ng mga programang nakabatay sa pangangailangan at prayoridad ng mga magsasaka at mangingisda.

Mahalaga aniyang matukoy ang mga kakulangan at pangangailangan ng bawat komunidad sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga ahensya at LGU upang maging batayan sa paglalaan ng pondo.

--Ads--

Isinasaalang-alang din sa pagpaplano ang pagtatapos ng kasalukuyang termino ng administrasyon sa 2028 upang matiyak ang pagpapatuloy ng mga programa at serbisyo para sa sektor ng agrikultura at pangisdaan.

Alinsunod ito sa Joint Memorandum Circular No. 1, s. 2026 ng Department of Budget and Management at Department of Economy, Planning, and Development na nagtatakda ng mas maagang konsultasyon sa mga regional stakeholder at lokal na pamahalaan para sa paghahanda ng 2028 budget.

Gayunman, nilinaw na hindi awtomatikong nangangahulugan ang pag-endorso sa mga panukalang programa na maaaprubahan ang kaukulang pondo dahil nakabatay pa rin ito sa prayoridad ng pamahalaan, kahandaan ng proyekto at kakayahang pinansyal ng bansa.