--Ads--

Iniimbestigahan na ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang alegasyong palihim na lumalabas ng Quezon City Jail si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez.

Iniutos ni BJMP Chief Jail Director Efren Nemeño ang agarang imbestigasyon nitong Martes matapos kumalat ang naturang paratang.

Ayon sa BJMP, wala umanong naitalang power o CCTV interruption at paglabas ni Romualdez sa pasilidad batay sa paunang pagsusuri sa CCTV footage.

Nag-ugat ang alegasyon sa pahayag ng kolumnistang si Ramon Tulfo na umano’y pinapatay ang kuryente sa kulungan tuwing lumalabas at bumabalik si Romualdez, na sinasabing gumagamit ng back stairs at naghihintay na ambulansiya.

--Ads--

Gayunman, sinabi ng BJMP na nagpapatuloy ang imbestigasyon at pare-pareho ang umiiral na custodial rules para sa lahat ng persons deprived of liberty o PDL.

Kasalukuyang nakadetine si Romualdez kaugnay ng kasong plunder na may kinalaman sa umano’y P7.44-bilyong kickbacks mula sa mga flood control, infrastructure at iba pang proyekto ng gobyerno.

Itinanggi ni Romualdez ang mga paratang laban sa kaniya at nagpahayag na haharapin niya ang mga ito sa korte.