Sugatan ang isang walong taong gulang na Grade 3 student matapos mabangga ng isang motorsiklo habang tumatawid sa pambansang lansangan sa Barangay Minante Dos, Cauayan City.
Batay sa paunang impormasyon na nakalap ng Bombo Radyo Cauayan, binabagtas ng motorsiklo ang lansangan mula Echague patungong Ilagan City nang mangyari ang insidente.
Pagkalagpas lamang sa Minante Dos Elementary School, aksidenteng nasalpok ng motorsiklo ang batang babae na noon ay tumatakbo upang tumawid sa kabilang bahagi ng kalsada.
Makikita rin sa kuha ng CCTV camera ang aktuwal na pangyayari, kung saan mabilis na tumawid ang bata bago mabangga ng paparating na motorsiklo.
Ayon sa driver, sinubukan pa nitong magpreno subalit hindi na naiwasan ang pagkakabangga.
Nagtamo ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang bata at ilang sandali ring nakahandusay sa gitna ng kalsada bago tuluyang magkamalay.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Rescue 922 at isinugod ang biktima sa pagamutan upang malapatan ng kaukulang lunas.
Samantala, nagtamo rin ng minor injuries ang driver ng motorsiklo.
Sa ngayon, hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang iba pang detalye kaugnay ng insidente.











