Nanawagan ang isang barangay tanod sa mga motorista na magmenor lalo na sa mga kalsadang malapit sa paaralan kasunod ng pagkakabangga sa isang walong taong gulang na Grade 3 student sa Barangay Minante Dos, Cauayan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Bonifacio Cabaran, barangay tanod na nakatalaga sa lugar, sinabi nitong nasa malapit siya sa pedestrian crossing sa harap ng Minante Dos Elementary School nang mangyari ang aksidente.
Aniya, hindi niya napansin ang pagtakbo ng bata at nang lingunin ang kalsada ay nakita na lamang niyang nabangga ito ng paparating na motorsiklo.
Ibinahagi rin ni Cabaran na maging siya ay muntik nang masagasaan habang naka-duty dahil sa bilis ng mga dumaraang sasakyan.
Dahil dito, hinimok niya ang mga motorista na magmenor at magbigay-daan sa mga pedestrian, lalo na sa mga estudyanteng tumatawid.
Pinaalalahanan din niya ang mga magulang na samahan ang kanilang mga anak sa pagpasok at pag-uwi upang matiyak ang kanilang kaligtasan.
Matatandaang nagtamo ng sugat sa iba’t ibang bahagi ng kaniyang katawan ang menor de edad na biktima matapos siyang masalpok ng humaharurot na motorsiklo habang tumatawid sa kalsada.
Dahil sa lakas ng pagkakabangga tumilapon ng ilang metro ang bata habang sumemplang naman ang nakabanggang motorista.











