Nasawi ang isang seafarer matapos tamaan ng hinihinalang missile attack ang isang oil products tanker habang naglalayag sa Gulf noong Huwebes, Nobyembre 5.
Ayon sa Greek management firm na Velos Tankers, natagpuan ang biktima na wala nang buhay sa loob ng barkong MT Velos Sapphire matapos itong unang naiulat na nawawala kasunod ng pagsabog.
Patungong Bahrain ang naturang tanker na may bandila ng Marshall Islands at walang kargang langis nang mangyari ang insidente.
Wala namang iba pang nasugatan sa mga tripulante na siyang nag-apula sa sunog na nagmula sa pagsabog. Wala ring naitalang oil spill.
Dinala ang barko sa Khalifa Bin Salman Port sa Bahrain habang patuloy pang sinusuri ang lawak ng pinsala sa katawan nito.
Inaasahan ding magsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagsabog at kung talagang missile attack ang tumama sa tanker.











