Nasa 90 hanggang 95 porsiyento nang handa ang pamahalaan sa pagho-host ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit na nakatakdang idaos sa Pilipinas mula Nobyembre 15 hanggang 17.
Ayon kay Executive Secretary at ASEAN National Organizing Council Chairman Ralph Recto, ang natitirang paghahanda ay nakatuon na lamang sa mga contingency plan, kabilang ang posibleng lagay ng panahon at mga huling pagsasaayos sa seguridad.
Personal na siniyasat ni Recto nitong Biyernes ang mga paghahanda sa Philippine International Convention Center sa Pasay City, na magsisilbing pangunahing venue ng summit.
Inaasahang dadalo sa pagtitipon ang mahigit 20 lider mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN at kanilang mga dialogue partner. Sinabi rin ni Recto na aktibong sinusubaybayan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at First Lady Liza Marcos ang paghahanda para sa nasabing pagtitipon.
Samantala, bahagi rin ng paghahanda ang pagpapakilala sa mga delegadong dayuhan ng kultura at lokal na industriya ng bansa, kabilang ang pagbisita ng ilang opisyal ng ASEAN sa Marikina Shoe Museum kung saan itinampok ang husay ng mga lokal na manggagawa sa paggawa ng sapatos.
Sa naturang pagbisita, nasaksihan ng mga delegado ang aktuwal na paggawa ng sapatos at ang kasaysayan ng industriya ng sapatos sa Marikina, na kilala bilang Shoe Capital of the Philippines.











