Naglaan ang Department of Budget and Management (DBM) ng kabuuang ₱82.9 bilyon para sa year-end bonus at cash gift ng mga kwalipikadong kawani ng pamahalaan ngayong 2026.
Makakatanggap ang bawat kwalipikadong empleyado ng bonus na katumbas ng isang buwang basic salary at karagdagang ₱5,000 cash gift.
Sa kabuuang pondo, ₱73.449 bilyon ang inilaan para sa year-end bonus habang ₱9.549 bilyon naman ang nakalaan para sa cash gift.
Ayon kay DBM Secretary Kim Robert C. De Leon, naipamahagi na ng kagawaran ang pondo sa mga ahensya ng pamahalaan upang matiyak na matatanggap ng mga kawani ang kanilang benepisyo kasabay ng unang sahod sa Nobyembre.
Kwalipikado sa naturang benepisyo ang mga kawani ng national at local government na nakapagtrabaho nang hindi bababa sa apat na buwan o 120 araw mula Enero 1 hanggang Oktubre 31, 2026.
Sinabi ni De Leon na malaking tulong ang naturang benepisyo sa mga kawani at kanilang pamilya, lalo na ngayong papalapit ang holiday season.
Dagdag pa niya, pagkilala rin ito ng pamahalaan sa dedikasyon at serbisyong ipinagkakaloob ng mga kawani sa publiko.











