Muling susuriin ng Malacañang ang panukalang ₱7.2-trilyong national budget para sa 2027 sa sandaling maipasa ito ng Kongreso at makarating sa Office of the President, kasunod ng mga ulat tungkol sa umano’y malawakang realignment ng pondo sa Kamara.
Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, hindi pa nakikita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang bersiyon ng Kamara, ngunit nakarating na umano sa kaniya ang mga ulat tungkol sa mga pagbabago sa alokasyon ng pondo.
Dahil dito, nais umano ng Pangulo na maging transparent ang bicameral conference committee deliberations upang makita ng publiko kung saan ilalaan ang pondo ng bayan.
Sinabi rin ni Castro na mahigpit na binabantayan ng Department of Budget and Management (DBM) ang proseso ng pagsusuri sa pambansang budget upang matiyak na mapupunta ang pondo sa mga nararapat na paggagamitan.
Sa sandaling maisumite ang enrolled bill sa Office of the President, masusing pag-aaralan ito ni Marcos kasama ang DBM at economic managers upang matiyak na hindi mapupunta sa mga proyektong hindi naman kinakailangan ang pondo ng pamahalaan.











