Mas paiigtingin ng mga kapulisan sa Jones Isabela ang Police Visibility sa kanilang nasasakupan ngayong “ber” Months bilang paghahanda sa nalalapit na holiday season.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Samson Canceran, Deputy Chief of Police ng Jones Police Station, sinabi nito na pangunahin nilang tututukan ang mga lugar na matataong lugar, gaya na lamang ng mga commercial establishments at iba pa pang mga lugar na pinupuntahan ng mga tao.
Pagtutuunan din nila ng pansin ang pagsugpo sa mga krimeng madalas maitala tuwing holiday season tulad ng robbery, pick-pocketing at iba pang panlilinlang na ginagawa ng ilang mga indibidwal.
Samantala, sa kabuuan ay nanatili namang mapayapa at manageable ang bayan ng Jones, ayon kay PCapt. Canceran.
Gayunman, hindi aniya nagpapakampante ang kanilang hanay lalo na at tumaas ang bilang ng mga naitalang vehicular accident sa kanilang nasasakupan na kadalasang kinasasangkutan ng mga menor de edad, at mga indibidwal na nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin.
Dahil dito, pinalalakas ng kanilang hanay ang pakikipag-ugnayan sa komunidad, lalong lalo na sa mga barangay officials na katuwang nila sa pagmomonitor sa at pagbibigay-paalala sa kanilang nasasakupan.
Pagdating naman sa usapin ng ilegal na droga, declared na bilang drug-free ang 42 barangay ng Jones. Sa kabila nito ay tuloy-tuloy pa rin ang kanilang kampanya laban sa illegal drugs upang mapanatili ng kanilang status.











