--Ads--

Nag-aalok ang National Food Authority (NFA) ng hanggang ₱30 kada kilo para sa malinis at tuyong palay habang itinaas na rin sa 500 sako ang limitasyon sa dami ng maaaring ibenta ng bawat magsasaka kada cropping season.

Ayon kay NFA Administrator Larry Lacson, nasa 80% na ng mga sangay ng ahensya sa buong bansa ang bumibili ng clean and dry palay sa halagang ₱30 kada kilo, habang ₱28 naman ang pinakamababang buying price.

Inalis na rin ng NFA ang dating 200-sack limit at ibinatay na ang maaaring bilhing palay sa lawak ng lupang sinasaka at average yield sa lalawigan, hanggang limang ektarya.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng mas mataas na buying price na mapataas ang kita ng mga magsasaka at mahikayat silang magpatuloy sa pagtatanim sa kabila ng banta ng malakas na El Niño.

--Ads--

Dagdag pa rito, layunin din ng hakbang na mapalakas ang buffer stock ng bansa upang matiyak ang sapat na suplay ng bigas sa harap ng posibleng epekto ng El Niño.

Samantala, ang clean and dry palay ay may moisture content na 11% hanggang 14%. Mas mababa naman ng tinatayang ₱4 kada kilo ang presyo ng bagong aning palay dahil sa mas mataas nitong moisture content.