Natigil ang operasyon ng Khor Mor gas field sa Kurdistan, Iraq nitong Linggo, Nobyembre 8, matapos tamaan ng drone ang pasilidad at magdulot ng sunog sa isang LPG storage tank.
Ayon sa mga source mula sa Electricity Ministry ng rehiyon, nagpatuloy ang sunog matapos ang pag-atake.
Agad namang inilikas sa mga shelter sa loob ng pasilidad ang mga empleyado. Tiniyak ni Iraqi Prime Minister Ali al-Zaidi na walang nasawi o nasugatan batay sa paunang pagsusuri.
Kinondena ng Natural Resources at Electricity Ministries ng Kurdistan Region ang insidente bilang isang terrorist attack. Wala pa namang grupong umaako sa insidente.
Dahil sa pag-atake, tinatayang 2.8 gigawatts ng power generation capacity sa rehiyon ang nawala. Pangunahing pinagkukunan ng natural gas para sa suplay ng kuryente sa Kurdistan ang naturang gas field.
Naganap ang insidente sa gitna ng tumitinding tensyon sa Middle East, partikular sa pagitan ng Iran at United States, na nakaapekto rin sa paglalayag ng mga barko sa Strait of Hormuz.











