--Ads--

Umaasa pa rin ang mga kaalyado ni dating Vice President Leni Robredo na magbabago ang kaniyang pasya na hindi na muling tumakbo sa pagka-pangulo sa 2028 elections.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Robredo nitong Lunes na mas nais niyang suportahan na lamang ang isang karapat-dapat na kandidato sa halip na muling sumabak sa presidential race.

Ayon kay House Senior Deputy Minority Leader Leila de Lima, ikinalulungkot niya ang naging desisyon ni Robredo ngunit umaasa pa rin siyang maaari itong magbago bago ang paghahain ng certificates of candidacy sa susunod na taon.

Naniniwala rin si De Lima na kailangan ng bansa ang lideratong may kakayahan at integridad sa harap ng mga kinakaharap na suliranin ng bansa.

--Ads--

Samantala, sinabi naman ni Senator Francis Pangilinan na maaari pang magbago ang desisyon ni Robredo, gaya ng nangyari kay dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na una ring tumangging tumakbo sa pagka-pangulo noong 2010 ngunit kalaunan ay pumayag matapos ang panawagan ng publiko.

Matatandaang tumakbo si Robredo sa 2022 presidential elections ngunit natalo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos makakuha ng mahigit 14 milyong boto kumpara sa mahigit 31 milyon ni Marcos.