Arestado ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na umano’y gumamit ng pekeng pagkakakilanlang Pilipino at iniuugnay sa pagpaslang sa dalawang Chinese nationals sa Parañaque City noong 2024.
Kinilala ang suspek na si 36-anyos Yao Shucheng na naaresto madaling-araw nitong Linggo, Nobyembre 8, matapos dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 mula Hanoi, Vietnam.
Ayon sa BI, ginamit umano ni Yao ang alyas na “Lee, King Agbulos” at nagpakita ng Philippine passport na nakuha gamit ang birth certificate na pawang nakarehistro sa kaniyang inakong Filipino identity.
Natukoy rin na pinalitan umano ng suspek ang kaniyang petsa ng kapanganakan mula Marso 20, 1990 tungong Marso 20, 1992.
Batay naman sa intelligence reports, may kaugnayan umano si Yao sa pagpaslang sa dalawang Chinese nationals na binaril sa Parañaque City noong 2024. Gayunman, ini-refer pa ng BI ang naturang impormasyon sa mga kinauukulang law enforcement agencies para sa karagdagang imbestigasyon.
Sa ngayon, nananatili sa kustodiya ng BI ang suspek habang isinasagawa ang immigration proceedings at inihahanda ang deportation at permanent blacklist laban sa kaniya, alinsunod sa mga umiiral na proseso.










