Labing-anim na manggagawa ang nasawi habang 13 iba pa ang nasugatan sa pagsabog sa isang planta ng bakal sa lalawigan ng Izmir sa kanlurang bahagi ng Turkiye.
Kinumpirma ni Turkish President Recep Tayyip Erdogan ang bilang ng mga nasawi kasunod ng insidente nitong Lunes sa HABAŞ Iron and Steel Plant sa distrito ng Aliaga.
Batay sa paunang imbestigasyon, nangyari ang pagsabog habang isinasagawa ang pagpapalit ng furnace nang bumagsak ang isang overhead crane at tumama ang mga materyales sa isang industrial furnace, na nagdulot ng pagsabog matapos masira ang linya ng natural gas.
Kabilang sa mga nasugatan ang dalawang nasa kritikal na kondisyon at patuloy silang ginagamot sa mga kalapit na ospital.
Patuloy naman ang search and rescue operations matapos iulat na may apat pang manggagawang pinaniniwalaang naipit sa ilalim ng mga guho.
Ayon kay Erdogan, nagsimula na ang judicial at administrative investigations upang matukoy ang tunay na sanhi ng pagsabog at kung may kapabayaan sa insidente.











