Maayos na sinimulan ng Commission on Elections o Comelec ang voter registration para sa 2028 National and Local Elections nitong Nobyembre 10, bagama’t hindi gaanong karami ang mga nagparehistro sa unang araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, Assistant Regional Director ng Comelec Region 2, sinabi nitong naging maayos ang unang araw ng rehistrasyon sa kabila ng hindi pa gaanong pagdagsa ng mga aplikante.
Magpapatuloy ang registration hanggang Hunyo 30, 2027. Kabilang sa maaaring magparehistro ang mga mag-a-18 anyos pagsapit ng Mayo 2028.
Hindi na rin kailangang muling magparehistro ang mga dating SK voters na magiging 18 anyos sa 2028 elections dahil awtomatikong ililipat ang kanilang records sa regular voters’ list.
Ayon kay Atty. Cortez, kabilang sa mga tinatanggap na dokumento ang valid government-issued ID, school ID o birth certificate.
Maaari ring magdala ng isang registered voter na magpapatunay sa pagkakakilanlan ng aplikante kung wala itong alinman sa mga nabanggit na dokumento.
Dagdag pa niya, bukas ang Comelec mula Martes hanggang Biyernes, alas-8 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi, habang alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon naman tuwing Sabado at holidays.
Wala namang face-to-face transactions tuwing Lunes dahil sa work-from-home arrangement ng ahensiya.











