Gumuho ang isang three-story building sa Flatbush Avenue, sa Brooklyn, New York, nitong Miyerkules ng hapon (oras sa America) dahilan upang ma-trap ang ilang mga tao sa loob.
Ayon sa New York City Fire Department (FDNY), naiulat ang insidente bandang alas-4 ng hapon sa residential neighborhood ng Flatbush sa South Brooklyn.
Sa mga kuhang video sa lugar, makikita ang mga bumbero na naglalabas ng biktima mula sa tambak ng mga debris at inilalagay ito sa stretcher upang mailayo sa lugar.
Gumamit din ang mga rescuer ng mga drone at flashlight upang mapabilis ang paghahanap sa iba pang posibleng na-trap, lalo na nang dumilim na ang paligid.
Dalawang indibidwal naman ang kasalukuyang sinusuri ng mga medical personnel habang nagpapatuloy ang search and rescue operation.
Patuloy pang inaalam ang kabuuang bilang ng mga naapektuhan at ang sanhi ng pagguho ng gusali.










