--Ads--

Nasa 300,000 wanted persons pa ang nananatiling malaya at hindi naaaresto sa buong bansa sa kabila ng pinaigting na kampanya ng Philippine National Police (PNP) laban sa mga indibidwal na may kinakaharap na warrant of arrest.

Ayon kay PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., layunin ng kapulisan na tuluyang maubos ang listahan ng mga wanted person, anuman ang kanilang katayuan o posisyon sa lipunan.

Kabilang sa mga kilalang personalidad na patuloy na tinutugis ng mga awtoridad sina Senador Ronald “Bato” dela Rosa, dating kongresistang si Zaldy Co, dating Bureau of Corrections chief Gerald Bantag at negosyanteng si Atong Ang.

Batay sa datos ng PNP, mula sa tinatayang 500,000 wanted persons noong Agosto 2025, nasa 300,000 na lamang ang hindi pa naaaresto matapos mabawasan ng 200,000 sa nakalipas na 14 na buwan.

--Ads--

Sa buwan lamang ng Oktubre, nakapagtala ang PNP ng 8,839 na pag-aresto sa buong bansa, kabilang ang 2,353 most wanted persons at 6,486 iba pang indibidwal na may warrant of arrest.

Pinakamaraming naitalang pag-aresto ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na may 1,641, kasunod ang Central Luzon na may 1,503 at Calabarzon na may 1,317.

Sa pinagsamang bilang, umabot sa 4,461 ang naarestong wanted persons sa tatlong rehiyon, na bumubuo sa mahigit kalahati ng kabuuang naitalang pag-aresto sa bansa noong Oktubre.

Tiniyak naman ni Nartatez na magpapatuloy ang operasyon ng PNP, kasama ang mas pinaigting na intelligence gathering at koordinasyon sa iba pang law enforcement agencies, upang matunton at maaresto ang mga natitirang wanted persons.

Binigyang-diin ng PNP na hindi lamang ang pagbabawas sa bilang ng mga hindi pa naaarestong wanted persons ang kanilang layunin, kundi ang tuluyang pagdakip sa lahat ng indibidwal na may umiiral na warrant of arrest.