--Ads--

Isinusulong ng Sangguniang Panlungsod ng Cauayan City ang paglikha ng Agricultural Biosystems Engineering Division sa ilalim ng City Agriculture Office upang mapahusay ang teknikal na pangangasiwa at mapabilis ang proseso ng dokumentasyon para sa mga proyektong pang-agrikultura.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Sangguniang Panlungsod Member Rufino Arcega, sinabi nitong layunin ng panukala na magkaroon ng nakatalagang yunit na tututok sa mga proyektong pang-agrikultura, kabilang ang farm-to-market roads at iba pang pasilidad.

Isa sa mga pangunahing nais nilang matugunan ang proseso ng pagpirma sa Program of Work (POW), na sa kasalukuyan ay kailangan pang idaan sa City Engineering Office dahil sa limitasyon ng awtoridad ng agricultural engineer na nakatalaga sa City Agriculture Office.

Sa isinagawang committee hearing, napagkasunduang hindi muna ito itatag bilang hiwalay na departamento o tanggapan kundi bilang isang dibisyon sa ilalim ng City Agriculture Office.

--Ads--

Ayon kay Arcega, inaasahang sa susunod na taon pa maisusulong ang mga kinakailangang hakbang dahil limitado na ang pondong maaaring ilaan sa pagtatapos ng kasalukuyang taon.

Nilinaw naman na hindi awtomatikong magkakaroon ng kapangyarihang lumagda sa lahat ng Program of Work ang agricultural engineer sa oras na mabuo ang dibisyon dahil kailangan pa rin ang kaukulang awtorisasyon at pagsunod sa umiiral na mga regulasyon.

Inaasahang sa pamamagitan nito ay mapapahusay ang koordinasyon at monitoring sa mga proyektong pang-agrikultura, partikular ang mga programang pinopondohan ng national government.